Kinukunsidera na ni Lanao del Sur Representative at House trial spokesperson Zia Alonto Adiong, ang pagsasampa ng kasong libel laban sa mga nagpakilalang ex-Marines.
Ito ay dahil sa umano’y walang basehang paratang na tumanggap siya ng maletang pera mula kay dating Congressman Zaldy Co.
Ayon kay Adiong, nang unang lumabas ang mga alegasyon ay hindi niya ito pinansin dahil wala naman umano itong katotohanan.
Ngunit ngayong umabot na sa Senado ang mga paratang, seryoso na niyang kinukunsiderang dalhin ang usapin sa korte.
Aniya, ang kontrobersiya tungkol sa umano’y maletang pera ay lampas na sa personal na pag-atake dahil nakaaapekto na ito sa trabaho ng Senado.
Giit ng mambabatas, ginagamit umano ang Senado upang i-hostage ang trabaho nito at ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na usapin ang impeachment laban kay VP Sara Duterte. Lumabas ang mga alegasyon sa isinagawang Senate inquiry na pinangunahan ni dating Senate PresidentAlan Peter Cayetano.