Nilagdaan ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) at World Health Organization (WHO) ang isang cooperation agreement upang palakasin ang global efforts sa pagprotekta sa public health at security.
Sa ilalim ng kasunduan, pagsasamahin ng dalawang organisasyon ang kanilang expertise sa law enforcement at public health upang maiwasan, matukoy, at matugunan ang mga banta sa buhay at kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga pagtutulungang ito ang pagtugon sa mga insidenteng may kaugnayan sa chemical at radioactive materials, gayundin sa mga hindi pangkaraniwang biological events, maging ito man ay natural, aksidente, o sinadyang mangyari.
Tututukan din ang paglaban sa trafficking para sa organ removal at ilegal na kalakalan ng human organs, tissues, at cells.
Kabilang pa sa mga prayoridad ang pagtugon sa pagkalat ng falsified medicines, vaccines, medical devices, counterfeit personal protective equipment, at iba pang produktong maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Sa pamamagitan ng mas matibay na coordination sa pagitan ng health authorities at law enforcement agencies, kapwa layunin umano ng INTERPOL at WHO na mapahusay ang kakayahan ng mga bansa na tumugon sa mga umuusbong na banta at maprotektahan ang kalusugan at seguridad ng publiko sa buong mundo.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang kasapi ng parehong WHO at INTERPOL.