Naglabas ang Commission on Higher Education (CHED) ng cease and desist order laban sa St. Therese College of Taguig dahil sa umano’y pag-aalok ng ilang degree program nang walang pahintulot mula sa komisyon.
Sa ilalim ng Commission en Banc Resolution No. R077-2026, ipinatigil ng CHED ang pag-aalok ng Bachelor of Science in Computer Science, Bachelor of Science in Criminology, at Bachelor of Science in Tourism Management.
Ayon sa CHED, lumabas sa imbestigasyon ng kanilang Regional Office sa National Capital Region (NCR) na walang kaukulang government authority ang mga nasabing programa.
Dahil dito, ipinahinto rin sa paaralan ang pagrerekrut at pagtanggap ng mga bagong estudyante para sa mga apektadong kurso.
Pinayuhan din ng CHED ang publiko na tiyaking kinikilala ng komisyon ang paaralan at kursong kanilang papasukan upang maiwasan ang mga problema sa kanilang mga credential.
Maaari umanong gamitin ang mga verification platform ng CHED gaya ng PhilTER, CHED TANAW, at Register of Philippine Higher Education Institutions upang masuri ang status ng mga paaralan at programa.