Nakapagtala ang PHIVOLCS ng 12 volcanic earthquakes sa Bulkang Bulusan sa nakalipas na 24 oras, batay sa ulat ng ahensiya ngayong June 6, 2026.
Nasa 88 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring nito noong June 3, 2026.
May taas na 50 metro ang plume o usok ng bulkan na nasa katamtamang pagsingaw at napadpad patungong silangan-hilagang-silangan.
Naitala rin ang panandaliang pamamaga ng bulkan.
Sa ngayon, nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Bulusan kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpasok nang walang pag-iingat sa 2-kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa gawing timog-silangan. Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Pinaaalalahanan din ng ahensiya ang publiko na maaaring maganap anumang oras ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosion. | ulat ni Paul Hapin