Naitala ng PHIVOLCS sa Bulkang Mayon ang 210 rockfall events, 14 volcanic earthquakes, tatlong volcanic tremors na tumagal ng apat hanggang 41 minuto, at dalawang Pyroclastic Density Current (PDC) signals o uson sa nakalipas na 24 oras, ayon sa ulat ng ahensiya ngayong June 6, 2026.
Nakitaan din ng banaag ang bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga daluyan ng Basud (3.8 kilometro), Bonga (3.2 kilometro), at Mi-isi (1.8 kilometro), na may panaka-naka at mahinang Strombolian activity.
Ayon sa pinakahuling monitoring ng PHIVOLCS noong Hunyo 5, umabot sa 1,754 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan.
May taas na 500 metro ang katamtamang plume o usok na ibinuga ng bulkan at napadpad patungong hilagang-silangan at silangan-hilagang-silangan.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, kasabay ng mga palatandaan ng nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ), gayundin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Pinaaalalahanan din ng PHIVOLCS ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, pagdaloy ng uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan. | ulat ni Paul Hapin