Nilinaw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi papatawan ng value-added tax (VAT) at withholding tax ang Lifeline Subsidy at Green Energy Auction Allowance.
Ito ay matapos ilabas ng ahensiya ang Revenue Memorandum Circular No. 60-2026, na naglilinaw na ang dalawang singil ay mga government-mandated charges o pass-through collections at hindi bahagi ng kita ng mga distribution utilities at electric cooperatives.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, nagsisilbi lamang na tagakolekta ang mga distribution utility at electric cooperative kaya hindi dapat patawan ng VAT at withholding tax ang naturang mga koleksiyon.
Ang Lifeline Subsidy ay para makatulong sa mga kuwalipikadong low-income electricity consumers, habang ang Green Energy Auction Allowance naman ay sumusuporta sa mga programa ng pamahalaan para sa renewable energy. Sinabi ni Mendoza na makatutulong ang paglilinaw na ito upang maiwasan ang dagdag na pasanin sa buwis at makatulong sa pagpapanatiling mababa ang gastos sa kuryente ng mga consumer.