Patuloy na naitatala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga pagyanig ng lupa sa Albay matapos ang magnitude 5.3 na lindol na tumama sa silangang bahagi ng bayan ng Santo Domingo noong Biyernes ng gabi, Hunyo 5.
Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang pangunahing lindol dakong alas-9:57 ng gabi na may lalim na siyam na kilometro. Naitala ang Intensity V sa bayan ng Santo Domingo at Lungsod ng Legazpi sa Albay, gayundin sa Bulusan, Sorsogon. Umabot naman sa Instrumental Intensity VI ang pagyanig sa Lungsod ng Tabaco.
Kasunod nito, nakapagtala ang PHIVOLCS ng ilang aftershocks sa loob ng sumunod na mga oras at araw.
Bandang alas-9:46 ng gabi noong Hunyo 6, niyanig ng magnitude 1.9 na lindol ang silangang bahagi ng Santo Domingo na may lalim na 33 kilometro. Sinundan ito ng magnitude 1.7 na pagyanig dakong alas-11:54 ng gabi sa parehong lugar na may lalim na 19 kilometro.
Nakapagtala rin ng magnitude 1.6 na lindol sa kanlurang bahagi ng Rapu-Rapu, Albay dakong alas-11:57 ng gabi noong Hunyo 6, na may lalim na 35 kilometro.
Samantala, alas-2:51 ng madaling araw ngayong Hunyo 7, muling naitala ang magnitude 3.9 na lindol sa karagatang silangan ng Santo Domingo. Kinumpirma ng PHIVOLCS na isa itong aftershock ng magnitude 5.3 na lindol noong Hunyo 5. Naramdaman ang pagyanig sa Intensity III sa Legazpi City at Intensity II sa Tabaco City at Castilla, Sorsogon.
Patuloy namang mino-monitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon at pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto dahil maaari pang magkaroon ng mga kasunod na aftershocks sa mga susunod na araw. Pinapaalalahanan din ng ahensya ang mga residente na sundin ang mga earthquake safety protocols at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang pinsala o insidenteng may kaugnayan sa mga pagyanig. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay
📸 Albay Governor Noel Rosal