Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory nito na nagtatakda ng tamang pasahod para sa regular holiday sa Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.
Ayon sa DOLE, ang mga empleyadong hindi papasok sa trabaho sa naturang regular holiday ay dapat makatanggap ng 100 porsiyento ng kanilang sahod, basta’t nakapasok o nasa bayad na leave sila sa araw bago ang holiday.
Samantala, ang mga papasok sa trabaho sa Hunyo 12 ay dapat bayaran ng katumbas na 200 porsiyento ng kanilang arawang sahod para sa unang walong oras ng trabaho.
May karagdagang 30 porsiyentong bayad para sa overtime work. Kung ang regular holiday ay tumapat sa itinakdang rest day ng empleyado, may dagdag pang 30 porsiyento sa holiday pay.
Mas mataas din ang overtime pay para sa mga magtatrabaho nang lampas walong oras sa ganitong sitwasyon. Kasabay ng pagdiriwang ng 128 taon ng Kalayaan ng Pilipinas ay magsasagawa din ng ‘Kalayaan’ job fair ang DOLE sa iba’t ibang bahagi ng bansa na handog para sa ating mga kababayang job seekers.
📸 DOLE