Pinalakas at binigyang-kakayahan ang mga kalalakihan sa Tabaco City sa pamamagitan ng programang “SAFE Albay: Kalalakihan, Sandigan ng Kababaihan at Kabataan Laban sa Karahasan” na isinagawa sa Multipurpose Building Evacuation Center sa Barangay San Lorenzo nitong June 6.
Layunin ng aktibidad na kilalanin at paigtingin ang mahalagang papel ng mga kalalakihan sa pangangalaga at proteksyon ng kababaihan at kabataan laban sa anumang uri ng karahasan sa komunidad.
Pinangunahan ang programa ng pamahalaang panlalawigan ng Albay sa pamamagitan ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) sa pamumuno ni Governor Noel E. Rosal, katuwang ang Albay Police Provincial Office sa pangunguna ni PCOL Noel D. Nuñez.
Tinalakay sa mga kalahok ang mahahalagang probisyon ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act at Republic Act 8353 na inamyendahan ng Republic Act 11648. Nagkaroon din ng lecture ukol sa Positive Discipline.
Bukod dito, nagbigay ang Integrated Bar of the Philippines o IBP Albay Chapter ng libreng legal consultation. Tumanggap din ang mga kalahok ng tig-lilimang kilo ng bigas at mga binhi ng gulay mula sa Albay Provincial Agricultural Office.
Nagpasalamat naman ang mga organizer sa pamahalaang lungsod ng Tabaco at iba pang katuwang na ahensya para sa matagumpay na pagsasagawa ng nasabing adbokasiya.
Photo Courtesy: PSWDO Albay