Mananatiling suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Davao City bukas, Hunyo 9, habang nagpapatuloy ang safety inspections kasunod ng malakas na lindol na yumanig sa Mindanao.
Ayon sa City Government of Davao, hinihintay pa ang pagkumpleto ng mga structural assessment sa mga gusali upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan.
Hinikayat naman ang mga institusyong pang-edukasyon na magpatupad ng online o distance learning modalities kung maaari.
Samantala, magpapatupad din ng work-from-home arrangement ang mga tanggapan ng gobyerno sa Davao City, kabilang ang mga lokal at pambansang ahensya, bilang pag-iingat sa posibleng aftershocks at habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa mga istruktura.
Binigyang diin ng lokal na pamahalaan na hindi saklaw ng work-from-home arrangement ang mga opisinang nagbibigay ng serbisyo sa kaligtasan at seguridad, kalusugan, sanitasyon, pamamahala ng trapiko, serbisyong panlipunan, at disaster at emergency response.
Hinikayat din ng lokal na pamahalaan ang pribadong sektor na magpatupad ng kahalintulad na work arrangement para sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga empleyado. | ulat ni Kate Laquihon-Lao | RP Davao