Ngayong unang araw ng pasukan, agad na inilikas sa mga open space ang mga mag-aaral, guro at mga magulang sa Iligan City Central School matapos maramdaman ang 7.8 magnitude na lindol na tumama sa lalawigan ng Sarangani nitong Lunes ng umaga, Hunyo 8.
Ayon kay Iligan City Central School Principal Dr. Ana Maria Timogan, agad nilang inilikas sa ligtas na lugar ang mga mag-aaral at guro at nagsagawa ng inspeksyon sa mga silid-aralan matapos maramdaman ang lindol kasunod ng flag-raising ceremony.
Matapos ang masusing pagsusuri ng mga guro at parent volunteers, wala umanong nakitang bitak o anumang pinsala sa mga pasilidad at wala ring naiulat na nasaktan.
Gayunman, ipinatupad pa rin ng paaralan ang suspensyon ng klase alinsunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan at Department of Education (DepEd).
Dagdag ni Timogan, magpapatuloy pa rin ang pag-aaral sa pamamagitan ng hybrid learning habang inuuna ang kaligtasan ng mga mag-aaral. | ulat ni Sharif Timhar | Radyo Pilipinas Iligan