Umabot na sa 19 ang napaulat na nasawi matapos ang nangyaring magnitude 7.8 na lindol sa Saranggani.
Sa ambush interview sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Junie Castillo na sa bilang na ito 16 ang napaulat na nasawi sa Region 12 habang tatlo naman sa Davao Region.
Sinabi rin ni Castillo na may 134 indibidwal ang napaulat na nasugatan at 12 ang nawawala.
Ayon kay Castillo, ito ay inisyal na ulat pa lamang at patuloy ang kanilang beripikasyon sa mga datos.
Nasa 10,000 pamilya naman mula sa Saranggani at Sultan Kudarat ang naunang inilikas dahil sa banta ng tsunami.
Kabilang naman sa tinututukan ng OCD ang Region 12 o SOCCSARGEN, gayundin ang Davao Region at Region 10.Sa ngayon, nakarating na si OCD Administrator Usec. Harold Cabreros kasama ang iba pang kinatawan ng ahensya ng pamahalaan sa Davao para personal na tingnan at magbigay tulong sa mga apektadong kominidad at pamilya.
Patuloy din ang search, rescue, and retrieval operations ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, local DRRMs, at ng 525th Brigade ng Armed Forces of the Philippines.