Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang isang pulong sa Camp Crame ngayong araw upang tutukan ang sitwasyon sa Mindanao kasunod ng malakas na lindol na tumama sa lalawigan ng Sarangani.
Isinagawa ang pulong sa PNP Command Center kung saan direktang pinangunahan ni Nartatez ang pagtanggap ng real-time updates kaugnay ng epekto ng pagyanig sa mga apektadong lugar.
Inatasan din ng PNP Chief ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga unit ng pulisya sa iba’t ibang rehiyon sa Mindanao, partikular sa mga lugar na matinding naapektuhan ng lindol.
Patuloy namang mino-monitor ng Command Center ang mga aftershock, nagsasagawa ng validation sa mga ulat mula sa mga regional office, at tinitiyak ang agarang pagdeploy ng tulong kung kinakailangan.
Mahigpit din ang koordinasyon ng PNP sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang suportahan ang disaster response operations at matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong komunidad. Samantala, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na naapektuhan ng malakas na lindol ang Regions 9, 11, at 12, gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.