Inatasan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang mobilisasyon ng safety checks at emergency team sa mga paaralang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at mga kalapit na lalawigan sa Mindanao.
Agad na pinakilos ng DepEd ang mga engineer nito at nagpadala ng mga structural engineer mula sa Central Office upang magsagawa ng inspeksyon at damage assessment sa mga apektadong paaralan.
Batay sa mga paunang ulat, nasa 6,224 na mga paaralan sa limang rehiyon ang apektado ng lindol kabilang dito ang Region IX, X, XI, XII at CARAGA.
Ito ay nakaapekto sa tinatayang 3.2 milyong mag-aaral at 128,000 guro at personnel.
Bukod dito, inatasan din niya ang mga paaralan na higpitan ang pagpapatupad ng earthquake preparedness measures, kabilang ang evacuation procedures at regular na earthquake drills.
Tiniyak naman ng DepEd na may nakahandang tulong ang pamahalaan para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad. | ulat ni Diane Lear
📸 DepEd