Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang maghatid ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, agad na kumilos ang Philippine Charity Sweepstakes Office at mga Authorized Agent Corporations (AACs) nito upang magbigay ng suporta sa mga apektadong pamilya at residente.
Mabilis na nakipag-ugnayan ang mga AACs sa Mindanao sa mga lokal na katuwang upang maisagawa ang relief operations. Ang lindol, na tumama malapit sa Sarangani alas-7:37 ng umaga, ay nagdulot ng pinsala sa mga gusali, pagkaantala ng mga serbisyo, at pagsuspinde ng klase at trabaho sa ilang lugar habang patuloy ang pagtatasa ng mga awtoridad.
Pinuri ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang agarang pagtugon ng mga AAC partners, na aniya’y nagpapakita ng tunay na diwa ng malasakit at paglilingkod sa panahon ng sakuna. Iginiit din niya na mananatiling handa ang PCSO na maghatid ng agarang tulong at suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.
Ayon sa PCSO, patuloy itong makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matukoy ang pangangailangan ng mga komunidad at mapabilis ang paghahatid ng ayuda. Tiniyak din ng ahensya na mananatili itong nakaalalay habang nagpapatuloy ang relief, response, at recovery efforts sa Mindanao.