Mahigit 5,000 job vacancies ang naghihintay sa mga taga Western Visayas na naghahanap ng trabaho sa DOLE Trabaho Agad Job Fair sa Robinsons Place Iloilo bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, 2026.
Ayon kay DOLE-6 Regional Director Sixto Rodriguez Jr., layunin ng job fair na mabigyan ng agarang pagkakataon ang mga naghahanap ng trabaho na makapag-apply at makapasok sa trabaho.
Sa 5,107 na bakanteng posisyon, 3,418 ang magmumula sa 55 lokal na employer, habang 1,689 naman ang bubuksan ng mga overseas employer.
Sa pinakahuling monitoring ng DOLE-6, umabot na sa 745 job seekers ang nakapagparehistro para sa aktibidad.Ipinapakita nito ayon sa opisyal ang matinding interes ng mga mamamayan na makahanap ng trabaho at mapabuti ang kanilang pamumuhay.
Inaanyayahan ng DOLE-6 ang mga naghahanap ng trabaho na lumahok sa DOLE Trabaho Agad Job Fair na gaganapin sa Robinsons Place Iloilo sa Hunyo 12.