Nakahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng agarang tulong sa mga manggagawang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa mga regional office at Employees’ Compensation Commission (ECC) para sa profiling ng mga apektadong manggagawa at mabilis na maihatid ang tulong.
Sa ilalim ng programa ng ECC, maaaring makatanggap ng P15,000 financial assistance ang mga apektadong manggagawa habang may karagdagang P30,000 funeral assistance para sa pamilya ng mga manggagawang nasawi.
Maaari ring mapasailalim sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced Workers (TUPAD) ang mga manggagawang pansamantalang nawalan ng hanapbuhay dahil sa kalamidad.
Inihayag din ni Tolentino ang plano ng DOLE na bumuo ng sariling rescue at quick reaction team at palakasin ang Occupational Safety and Health Center (OSHC) Regional Extension Units upang mapabilis ang pagtugon sa mga sakuna.
Batay sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 145,000 indibidwal mula sa halos 33,000 pamilya sa Regions IX, XI, XII, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang naapektuhan ng lindol, kung saan 37 ang nasawi, at 488 ang nasugatan, at apat ang nawawala.