Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Tiniyak ng pamunuan ng National Task Force for West Philippine Sea na data gathering device ang namataang movable floating platform sa Bajo de Masinloc.
Sa paliwanag ni National Maritime Council Usec. Alexander Lopez base sa mga nakita nilang mga kagamitan at isinagawang mga maritime domain awareness flight malinaw na aniya na data gathering ang ginagawa ng nasabing movable floating platform.
Pero sa kabila nito hindi naman masabi ng Philippine Coast Guard at maging ng Philippine Navy kung anong partikular na datos ang kinakalap ng nasabing Chinese device.
Paglilinaw naman ni PCG Rear Admiral Jay Tarriela, nagsasagawa ang mga naturang Chinese floating asset ng marine scientific research.
Giit ng opisyal na malawak ang saklaw ng naturang research pero nilinaw nito na hindi nila ito kinokonsidera bilang military activity dahil wala silang na-monitor na Chinese Navy.
Kasabay nito ay binigyang-diin ni Lopez ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi papayagan ng gobyerno na may mawalang kahit isang pulgadang lupain o katawang-tubig ang Pilipinas.