Isinusulong ng Coast Guard District Bicol katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Masbate ang pagkilala sa lalawigan bilang “Water Search and Rescue (WASAR) Capital of the Philippines.”
Ayon kay Coast Guard District Bicol Commander Commodore Ivan Roldan, magsisilbing unang hakbang sa naturang layunin ang pagsasagawa ng National WASAR Olympics na nakatakdang ganapin mula Hunyo 22 hanggang Hunyo 24 sa Matayum Lagoon sa bayan ng Cataingan, Masbate.
Kasunod nito, lalagdaan ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Philippine Coast Guard, Philippine Coast Guard Auxiliary, Pamahalaang Panlalawigan ng Masbate, at Office of Civil Defense upang gawing regular o taunang aktibidad sa lalawigan ang pagsasagawa ng WASAR Olympics. Pagkatapos nito, bubuo rin ng isang resolusyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Masbate na pormal na magdedeklara sa lalawigan bilang WASAR Capital of the Philippines.
Paliwanag ni Commodore Roldan, magsisilbing batayan ang mga hakbang na ito para sa isasagawang sponsorship ng kongresista mula sa Unang Distrito ng Masbate sa pamamagitan ng privilege speech sa pambansang antas.
Binigyang-diin din ni Roldan na inaasahang makikinabang ang iba’t ibang sektor sa naturang inisyatiba, partikular ang turismo at disaster preparedness ng lalawigan. Aniya, napili ang Masbate dahil napapalibutan ito ng karagatan, kilala sa mga gawaing may kaugnayan sa dagat gaya ng Bagat Dagat Festival, at dito rin unang inilunsad ang programa ng WASAR. Dagdag pa niya, malaking tulong ang pagpapalakas ng Water Search and Rescue capabilities upang maihanda ang rehiyon sa mga sakuna at makatulong sa layuning makamit ang zero casualty sa panahon ng kalamidad.
📷 PCG Bicol



