
Nakatutok ngayon ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC) sa sitwasyon sa lambak-Cagayan kasunod ng patuloy na paglapit ng bagyong Francisco.

Nitong araw ng Linggo, itinaas sa blue ang alert status ng operations center ng konseho upang higit na mapaghandaan ang mga mararanasang pag-uulan dulot ng bagyo at ng habagat.
Inatasan na rin ang lahat ng provincial, city, at municipal DRRMCs ng rehiyon na itaas din ang kani-kaniyang operations center sa kaparehong alert status.
Sa memorandum na inilabas ni Office of Civil Defense Region 2 Director at Council Chair Albert Mogol, inaabisuhan ang mga local DRRMC na ipatupad ang mga kinakailangang preparedness measure, gaya na lamang ng pagpapaigting sa pagpapakalat sa mga abiso sa publiko, maging ng atas sa at-risk communities, kabilang na ang potential evacuation procedures at safety protocols.
Bahagi pa ng atas ang patuloy na pagmonitor sa kanilang nasasakupan, lalo na sa mga lugar na posible ang pagbaha at pagguho ng lupa.Mahalaga ring magsagawa ng pre-disaster risk assessment activities, mapaghandaan ang pagsasagawa ng preemptive o forced evacuation, at dapat palaging handa ang mga tutuluyang evacuation center.
Siguraduhin ding sapat ang naka-preposition na relief goods at medical supplies, at naka-standby ang response teams.
Sa kabuuan, mahalagang masiguro ang maayos na koordinasyon sa lahat ng local DRRMC sa regional DRRMC upang maayos na matugunan ang anumang epekto ng bagyo.
📷 Cagayan CDRRMC