Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kay Naga City Mayor Leni Robredo na napondohan na ng kagawaran upang matapos na ang patrabaho ng Almeda-Mabolo Bypass road sa lungsod.
Sa kanilang pag-inspeksyon kahapon, June 20, 2026, sinabi ng kalihim na commitment ng DPWH Bicol na matatapos ang proyekto sa first quarter ng 2027.
Tinatayang mahigit sa P160 million ang pondo na ibababa ng DPWH para sa proyektong ito sa Naga City.
Alinsunod din aniya sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na prayoridad ngayon ng DPWH na tapusin ang mga hindi pa tapos nilang proyekto kabilang na rito ang Almeda-Mabolo bypass road at ang Bicol River esplanade.
Samantala, ayon kay Mayor Robredo sa oras na mapabuksan na ang Almeda-Mabolo bypass road, maaaring maibsan ang trapiko sa bahagi ng Diversion road dahil mababawasan na ang dumaraan ditong mga truck at bus na patungo sa Metro Manila o iba pang bahagi ng bansa.