Naka-pre-position na ang mga relief supply sa bayan ng Itbayat bilang bahagi ng paghahanda matapos isailalim sa “Blue Alert Status” ang buong rehiyon ng Cagayan Valley dahil sa banta ng bagyong Francisco.
Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng Itbayat, handa na ang family food packs (FFPs) bilang paunang stockpile para sa mga residente.
Bukod sa pagkain, nakahanda na rin ang mga non-food items (NFIs) para sa agarang pamamahagi tulad ng hygiene kits, child-friendly kits, mga balde, at family packs.
Ayon kay Itbayat Municipal Budget Officer Harriette Antas sapat at handa ang pondo ng Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) fund maging ang mitigation fund ng bayan.
Katunayan aniya, nasa 100 porsyento ring nakahanda ang Quick Response Fund (QRF) ng munisipyo kung sakaling kailanganin itong gamitin.
Samantala, sinabi ni Itbayat LDRRM Officer II Kathleen Garcia na patuloy silang nagbabantay sa mga severe weather bulletin para sa anumang pagbabago sa galaw ng bagyong Francisco, kasabay ng pagtiyak na sapat ang mga nakahanda na pagkain at kagamitan para sa buong komunidad. | ulat ni Bea Gaza-De Guzman | Radyo Pilipinas Batanes