Bumuo na ng isang task force ang Lokal na Pamahalaan ng Iriga City sa pamamagitan ng city council nito, upang tutukan ang campus bullying, sa gitna ng nangyaring mga karahasan sa mga educational institutions sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Iriga City Vice Mayor Edsel Dimaiwat, ang task force na ito ay binubuo ng mga representante mula sa Philippine National Police, Department of Justice, Department of Education, at ng City Legal at ng City Mayor’s Office.
Ayon sa bise-alkalde, magsasagawa ang task force ng serye ng mga orientation at seminars sa mga paaralan sa Iriga City upang pag-usapan ang tungkol sa bullying ng estudyante sa kapwa estudyante.
Bukod dito ay isasama rin sa agenda ng task force ang pag-iingat sa pag-access ng social media, exposure ng mga kabataan sa mga malalaswang online content, at ang tumitinding problema ng teenage pregnancy.
Tiniyak ng opisyal na pinangangalagaan at prayoridad ng LGU ang kaligtasan ng student-learners sa mga eskwelahan sa lungsod.