Senate of the Philippines
Hihigpitan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagpapatupad ng pagbisita kay Senador Rodante Marcoleta na naka-confine sa PNP-General Hospital.
Kasunod ito ng pagsita ng Sandiganbayan sa pagpapahintulot sa pagdalaw nina Vice President Sara Duterte at Senador Robin Padilla kay Marcoleta matapos ma-diagnose na may mild pneumonia.
Sa panayam sa Camp Crame, sinabi ni CIDG NCR Director PCol. John Guiagui na personal na hiniling ni Marcoleta ang pagbisita nina Duterte at Padilla. Aniya, sa kabila ng maraming kahilingan na makadalaw sa senador, dalawa lamang ang kanilang pinayagan.
Dahil dito, sinabi ni Guiagui na paiigtingin na nila ang mga restriksyon sa mga bibisita. Tanging mga miyembro ng pamilya at legal team na lamang ang papayagang makapasok.
Kung may iba pang espesyal o personal na kahilingan, daraan muna ito sa pagsusuri at pag-apruba ng CIDG.
Samantala, hindi pa matiyak ni Guiagui kung kailan makalalabas si Marcoleta sa PNP General Hospital. Ito aniya ay nakasalalay sa medical clearance na ibibigay ng kanyang mga doktor.