Iminungkahi ni Senador Erwin Tulfo na tiyaking may mga tauhang nakahanda para sa rescue operations sa mga lugar na dinarayo ng mga turista, gaya ng mga beach, resort, ilog at talon.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2027 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), tinanong ni Tulfo kung may mga lokal na task force na nakatutok sa kaligtasan ng mga turista at mabilis na makatutugon sa mga aksidente at insidente ng pagkalunod.
Ayon kay Senador Ping Lacson, na siyang nagdepensa sa panukalang budget ng DILG, may mga tourist police nang naka-deploy sa walong pangunahing destinasyon sa bansa at may sapat na kagamitan at pagsasanay ang mga ito.
May karagdagang P176.899 million ding inilaan upang higit pang mapahusay ang kanilang operasyon sa susunod na taon.
Tinanong din ni Tulfo kung saan maaaring magsumbong ang mga mamamayang nakararanas ng bastos o hindi maayos na pakikitungo ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan.
Itinuro naman ni Lacson si DILG Undersecretary Marlo Iringan bilang opisyal na maaaring lapitan para sa mga reklamo laban sa mga LGU.
Samantala, lusot na sa plenaryo ng Senado ang panukalang P334.5-billion budget ng DILG para sa 2027, na mas mataas ng P4 billion kumpara sa bersyon ng Kamara.
Kabilang sa panukalang budget ng DILG ang P245 billion para sa Philippine National Police (PNP), P39.29 billion para sa Bureau of Fire Protection (BFP), at P34.428 billion para sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). | ulat ni Nimfa Asuncion