Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa pagpapatupad ng “no disconnection” o pansamantalang pagbabawal sa pagputol ng serbisyo ng kuryente para sa mga customer ng Meralco na kumukuwestiyon sa kanilang mga singil dahil sa umano’y maling meter reading.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat mapilitang magbayad ang mga konsyumer ng mga sinisingil na kanilang tinututulan para maiwasan lang ang pagkakaputol ng kanilang kuryente.
Hindi aniya nila kasalanan na mali ang meter reading at hindi dapat ang consumers ang mag-adjust.
Ginawa ng senadora ang panawagan matapos makatanggap ng dumaraming reklamo mula sa mga konsyumer na nagsasabing nakatanggap sila ng hindi pangkaraniwang taas ng singil sa kuryente dahil sa maling pagbabasa ng metro.
Sinabi ni Hontiveros na kung lehitimo ang pagtutol sa isang singil, hindi makatarungan na obligahin ang mga konsyumer na magbayad muna bago maresolba ang kanilang reklamo.
Bagama’t ginagarantiyahan ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers ang karapatan ng mga konsyumer sa tamang meter reading at nagbibigay ng paraan upang kuwestiyunin ang maling singil, wala itong tahasang probisyon na nagbabawal sa paniningil o pagputol ng serbisyo habang nakabinbin pa ang reklamo sa billing dispute.
Dahil dito, hinimok ni Hontiveros ang ERC na kumilos para maprotektahan ang kapakanan ng mga konsyumer.
Magsusumite aniya si Hontiveros ng isang resolusyon para magsagawa ng Senate inquiry kaugnay ng isyu.