Magpapatupad ng dagdag-sahod para sa mga manggagawang kumikita ng minimum wage sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon sa BARMM Ministry of Labor and Employment, ito ay matapos lagdaan ang wage order na nagtataas ng P50 sa arawang sahod ng minimum wage earners sa buong rehiyon.
Ipapatupad aniya ang wage hike sa dalawang bugso kung saan ngayong August ang unang P25 na dagdag at sa December 1 naman ang ikalawang tranche.
Dahil dito, nasa P436 na ang maiuuwi kada araw ng mga minimum wage earners na nasa non-agriculture sector sa Cotabato City, Lamitan at Marawi simula sa susunod na buwan at tataas pa sa P461 sa unang araw ng Disyembre.
Nasa P411 naman hanggang P436 ang matatanggap ng mga nasa agriculture at retail sectors kapag naipatupad na ang dalawang tranche ng wage hike.
Sa hiwalay namang resolusyon, inaprubahan din ang pagsasama sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, at Tawi-Tawi sa hiwalay na wage cluster kung saan makakatanggap sila ng P401 hanggang P436 sa ipapatupad din na wage hike.