Inilunsad sa Naga City ang kauna-unahang Agri-Libro para sa mga bata na pinamagatang “Istoria nin Pagtanom asin Pagtalubo ni Annie.”
Pinangunahan ng City Agricultural Office (CAGO) ang launching ng libro na kauna-unahang aklat-pambata sa buong Pilipinas na nakasentro sa agrikultura.
Ang naturang aklat-pambata ay isinulat ni Edlyn Apin at inilarawan ni Ray Ubaldo mula sa City Agriculture Office.
Kasabay ng launching ay nagkaroon ng storytelling kasama ang 30 estudyante mula sa School for Early Education Development (SEED) ng Naga City Government, na binasa ni City Youth Mayor Isiah Namoro sa harap ng mga bata.
Ayon kay Namoro, layunin ng aktibidad na turuan ang mga bata tungkol sa kahalagahan ng pagtatanim at kung anong nutrisyon ang makukuha sa gulay at prutas.
Maganda ang naging pagtanggap ng mga magulang ng mga bata sa aktibidad na ito dahil may matututunan sila na kaalaman pagdating sa agrikultura.
Magandang malaman anila ito ng kanilang mga anak upang matutunan ang tamang pag-aalaga ng mga tanim na gulay habang maaga pa lang.
Samantala, nakibahagi sa aktibidad ang Radyo Pilipinas Naga na proud media partner, sa pamamagitan ng programang Sulong Kabayan Tulong ng Gobyerno.
Dito ay ipinamahagi ang mga nakalap na donasyon na school supplies at basic gardening tools na kanilang ginamit sa aktwal na gardening activities.
Ang nasabing libro ay ipamimigay sa lahat ng mga kabataan sa mga barangay ng ciudad at inaasahang mailalabas din ito sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.