Nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nasa ₱22 milyong halaga ng mga produktong petrolyo nang maaktuhan ang walong indibidwal na nagsasagawa ng illegal na “paihi” sa Dinalupihan, Bataan.
Ito’y matapos makatanggap ng intelligence information ang mga pulis hinggil sa illegal na aktibidad na isinasagawa sa Brgy. San Benito.
Ayon sa PNP, dalawa sa mga naaresto ay naaktuhang nagsasagawa ng “paihi” habang ang anim na iba pa kabilang ang isang babae ay nahuli namang nagbababa ng mga kontrabando.
Bigo ang mga ito na makapagpakita ng permit mula sa Department of Energy (DOE) para legal na makapagbenta ng produktong petrolyo buhat mismo sa isang fuel tanker.
Bukod sa mga produktong petrolyo, kinumpiska rin ng mga pulis ang mga kagamitan na ginagamit para sa pagsasagawa ng “paihi” sa mga lugar na napupuntahan ng mga suspek.
Sinampahan na ng patong-patong na kaso ang mga naaresto.