Hayagang tinuligsa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang inilabas na propaganda materials ng state owned media na China Daily na inilalarawan ang mga Pilipino bilang unggoy.
Sa inilabas na pahayag ng Department of National Defense (DND), sinabi ni Teodoro na ang panunuya sa 2016 Arbitral Award pabor sa Pilipinas at ang pagiging marahas sa mga Pilipino ay pagpapakita lamang ng kahibangan ng China.
Pinatutunayan din aniya ng Chinese Communist Party ang kahinaan nito kaya’t humahantong na sila sa racism, pagbabanta, at paghahasik ng galit dahil bigo silang ipagtanggol ang kanilang pag-aangkin ng teritoryo.
Dahil dito, nanindigan si Teodoro na walang sino man sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines ang makikipag-usap sa Partido Komunista ng Tsina gayundin sa mga ahensya nito.
Ang kabaliwan ng Partido Komunista ayon kay Teodoro ay malinaw na hindi ito dapat patulan pa at pansinin.