Mula sa simpleng samahan ng mga magsasaka, isa na ngayong umuunlad na kooperatiba ang Sumilihon-Taguibo Farmers Agriculture Cooperative o SUTAFACO matapos makatanggap ng iba’t-ibang proyekto at tulong mula sa Department of Agriculture sa Caraga, katuwang ang pambansang pamahalaan.
Bukod sa pinansyal na suporta, nabigyan din ang kooperatiba ng mga pagsasanay, makinarya, at iba pang kagamitang pang-agrikultura upang mapalawak ang kanilang produksyon at mapataas ang kalidad ng kanilang mga produkto.
Naging bahagi rin ang kooperatiba ng Kadiwa ng Pangulo, kung saan nabigyan sila ng pagkakataong direktang maibenta ang kanilang mga ani sa mas maraming mamimili. Sa kasalukuyan, isa na rin sila sa mga nagsusuplay ng sariwang gulay sa isang supermarket sa Butuan City—patunay ng patuloy na paglago ng kanilang kabuhayan.
Ayon kay Lydia Aparre, General Manager ng SUTAFACO, malaki ang naging papel ng tulong ng pamahalaan sa pag-unlad ng kanilang kooperatiba.
Patuloy namang isinusulong ng pamahalaan ang pagbibigay ng suporta sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka upang mapalakas ang lokal na produksyon, mapalawak ang target market, at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga komunidad sa lalawigan.