Umaasa ang ilang mambabatas na tatalakayin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang usapin ng West Philippine Sea (WPS) sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Deputy Speaker Jay Khonghun, mahalagang maisama ito sa talumpati ng Pangulo dahil makapagpapalakas ito ng loob ng mga Pilipino at magpapatibay sa paninindigan ng pamahalaan na ipagtanggol ang soberanya ng bansa.
Sinabi rin ni Khonghun na magiging makahulugan sa publiko ang pahayag ng Pangulo kaugnay sa mga kilos ng China laban sa mga tauhang Pilipino sa West Philippine Sea.
Punto niya, nakakataas ng morale lalong-lalo na kapag ang presidente mismo ang nangunguna sa pagtatanggol sa ating mga kababayan.
Samantala, iginiit naman ni Akbayan Party-list Representative Dadah Kiram Ismula na dapat malinaw na ipaliwanag ng Pangulo sa kanyang SONA kung ano ang ibig sabihin ng “reset” sa relasyon ng Pilipinas at China kasunod ng insidente sa Ayungin Shoal.
Binigyang-diin ni Ismula na bago ang anumang pag-reset ng ugnayan ay dapat munang igalang ng China ang 2016 Arbitral Ruling, akuin ang pananagutan sa umano’y pag-atake sa mga Pilipinong sundalo at bayaran ang mga pinsalang naidulot nito.
Dagdag pa niya, mahalagang maging matatag ang mensahe ng Pangulo sa SONA upang mapanatili ang tiwala ng mga Pilipino at suporta ng international community sa paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea.