Pormal na binuksan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang 2nd regular session ng 20th Congress.
Dito kaniyang inilatag ang mga prayoridad ng Kamara sa pagbabalik sesyon gayundin ang pag-uulat sa mga naipasang panukala noong unang regular na session.
Ayon kay Dy, nakapagpasa ang Kamara ng 163 panukala, kabilang ang 26 na LEDAC priority bills ng administrasyon.
Para naman sa second regular session sinabi ni Dy, na prayoridad nilang naipasa ang Rice Industry and Consumer Empowerment Act, mga amyenda sa Universal Health Care Act, CADENA Act, at Cybersecurity Act upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.
Hiniling naman ng Speaker na maisama sa mga LEDAC priority bill ang Children’s Social Media Safety Act, na magbabawal sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 13 taong gulang, bilang bahagi ng mas pinalakas na proteksiyon sa kabataan laban sa mapaminsalang online content.
Hiling din niya sa publiko na huwag hayaang ang social media at fake news ang humubog sa paniniwala ng mga tao, at iginiit na dapat manaig ang katotohanan, pag-unawa, at pagkakaisa upang mapanatiling matatag ang demokrasya.
Bukod dito, nanawagan si Dy sa lahat ng Pilipino na maibalik ang mabubuting asal at pagpapahalaga tulad ng paggalang sa kapwa, bayanihan, malasakit, pananampalataya, at tapat na paglilingkod upang mapatatag ang bansa at maitaguyod ang isang “Bagong Kongreso” na may mas mataas na pamantayan ng serbisyo publiko.