Iniharap ng House prosecution panel ang 15 kahon ng mga ebidensya sa Senado para sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds.
Kasabay nito ang pagharap ni COA ICFAO auditor Roserick Wamil sa witness stand.
Ibinigay ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ng prosecution panel, ang libo-libong dokumento na susuporta sa Article I ng impeachment complaint.
Ayon kay Kapunan, naglalaman ang mga kahon ng mga liquidation document na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa Commission on Audit (COA).
Sakop ng mga dokumento ang ₱500 milyong confidential funds ng OVP para sa huling quarter ng 2022 at unang tatlong quarter ng 2023, pati na rin ang ₱112.5 milyon para sa DepEd para sa unang tatlong quarter ng 2023.
Ayon kay Wamil, kasama rito ang humigit-kumulang 3,664 na dokumento, kabilang ang 3,617 acknowledgment receipts (ARs). Kabilang sa mga AR, nadiskubre ang mga kontrobersyal na resibo na nakapangalan umano sa mga tulad nina “Mary Grace Piattos,” “Andy Lim,” at “Patty Tim,” na ayon sa prosecution ay mga imbentong pangalan lamang na ginamit umano upang bigyang-katwiran ang paggasta sa pondo.