Naghain ng panukalang batas si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima upang pagkalooban ng medical parole ang mga person deprived of liberty (PDL) na may terminal illness o permanenteng naparalisado dahil sa kanilang kondisyong medikal.
Sa pamamagitan ng House Bill No. 10136 o Medical Parole Act, layunin ni De Lima na i-institutionalize ang pagkakaloob ng parole batay sa makataong dahilan (humanitarian grounds).
Ayon kay De Lima, inaasahang makatutulong din ang panukala upang mabawasan ang labis na pagsisiksikan sa mga pasilidad ng piitan sa bansa.
Sa ilalim ng HB 10136, madadagdagan ang mandato ng Board of Pardons and Parole (BPP) upang magpatupad ng malinaw at pamantayang mga alituntunin sa pagkakaloob ng medical parole.
Binigyang-diin ng dating tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR) at Justice Secretary ang kasalukuyang kalagayan ng mga kulungan sa bansa.
Ang HB 10136 ay karagdagan sa mga naunang panukala ni De Lima para sa komprehensibong reporma sa sistema ng piitan, tulad ng HB 6477 (Prison Reform Act) at HB 6478 (Unified Corrections and Jail Management System Act).