Siniguro ng Malacañang na ipaglalaban ng gobyerno ang PhP85 na arawang umento sa sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, inihahanda na ng pamahalaan ang mga kinakailangang dokumento upang tutulan ang temporary restraining order (TRO) na inilabas laban sa wage order.
Aniya, iginagalang ng pamahalaan ang Korte at desisyon nito, gayunpaman, mayroon ding karapatan ang ehekutibo na isulong ang mga hakbang na makabubuti para sa mga manggagawa.
Kaugnay nito, binigyang diin ng Palasyo na dapat ay sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board, naghain ng apela ang mga tutol sa wage hike, at hindi sa korte.
“Lumalabas po kasi na ang dapat na naging remedyo ng sinuman na sanang may concern dito ay nagsampa ng apela sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ‘no ipa-file ito ng apela at hindi sana sa korte.” -Castro.
Sabi ni Castro, handa ang Office of the Solicitor General (SolGen) na ipagtanggol ang wage order na una nang inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Hindi ko po kayang mag-speculate kung ano ang mga susunod na mangyayari at ayaw ko rin pangunahan din po ang korte pati po ang Office of the Solicitor General. Pero sa ngayon po ay ipinaglalaban ang stance ng ating pamahalaan patungkol sa wager order para sa ating mga kababayan sa NCR.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan