Naka-angkla sa batas ang paninindigan ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea (WPS), at patuloy na sinusunod ng bansa ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award.
Ito ang binigyang diin ni Communications Usec. Claire Castro matapos maglabas ang China ng implementing rules na nagtatakda ng regular na pagpapatrolya, pagpapataw ng parusa sa mga lalabag, at paghingi ng paunang pahintulot bago magsagawa ng mga aktibidad sa naturang lugar.
Aniya, sariling batas ng China ang naturang patakaran at hindi ito umiiral o hindi kikilalanin ng Pilipinas.
Sabi ni Castro, hindi inaangkin ng Pilipinas ang teritoryo ng ibang bansa, at tanging ipinaglalaban lamang nito ang mga karapatang kinikilala ng batas.
Ito aniya ang direksiyong patuloy na tatahakin ng Marcos Administration sa usapin sa West Philippine Sea (WPS). “Batas nila iyan pero mayroon tayong sariling batas–batas natin na puwede ding ipatupad at ang batas natin ay naaayon sa UNCLOS, sa sarili nating batas, sa sarili nating pagkilala, pati na rin ang arbitral ruling. So, wala tayong nilalabag na anumang batas at wala tayong inaangking anumang teritoryo.” —Castro.