Nakabalik na ngayon sa kani-kanilang mga kabahayan ang mga pamilyang lumikas dahil sa pagtaas ng tubig baha sa ilang bahagi ng bayan ng Aguilar.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ng MDRRMO Aguilar, kaninang alas-nuwebe ng umaga (9:00 am) ay umuwi na ang mga evacuees ng bayan dahil sa unti-unting pagbuti ng panahon at paghupa ng pagbaha sa kanilang lugar.
Matatandaan na dahil sa epekto ng Habagat at ng mga nagdaang bagyong Luis at Maymay, hindi bababa sa 27 na pamilyang binubuo ng 90 na indibidwal mula sa Barangay Bocboc West at 21 na pamilyang binubuo ng 71 na indibidwal mula Barangay San Jose, ang lumikas at pansamantalang nanuluyan sa evacuation center ng bayan.
Mula kahapon ng hapon hanggang umaga nitong August 12, 2026, nabawasan na ang mga pag-ulan na nararanasan sa lalawigan ng Pangasinan dahilan upang unti-unti na ring bumaba ang lebel ng tubig sa mga binahang lugar.
Kaugnay naman nito, nagpaabot ng pasasalamat ang MDRRMO Aguilar sa lahat ng mga tumulong at sumuporta, at naging bahagi ng paghahatid kaligtasan at kalinga sa kanilang mga kababayan sa panahon ng pangangailangan.
📷 MDRRMO Aguilar

