Sinabi House Trial Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na may awtoridad ang Senate Impeachment Court na patawan ng kaukulang aksyon si Vice President Sara Duterte kung mapapatunayang lumabag ito sa Sub-Judice Rule o gumawa ng aksyong maituturing na Contempt of Court.
Ito ang nilinaw ni Tolosa, kasunod ng mga kontrobersyal na pahayag ng Bise Presidente sa media kung saan inakusahan nito ang Impeachment Court ng “bending the law”.
Paliwanag ni Tolosa, sakop ng hurisdiksyon ng Impeachment Court si VP Duterte dahil siya ang mismong respondent sa kaso.
Ibig sabihhin, hindi lamang ang mga humaharap na abogado ang dapat sumunod sa mga alituntunin ng korte.
Iginiit ni Tolosa na ang alituntunin ng Sub-Judice ay umiiral sa lahat ng partidong sangkot sa kaso at hindi lamang sa kanilang mga legal counsel.
Nananatili naman ang tiwala ng prosekusyon na ipatutupad ni Presiding Judge Francis “Chiz” Escudero at ng buong tribunal ng patas at pantay-pantay ang lahat ng patakaran sa lahat ng panig na sangkot sa Impeachment Trial.