Ikinabahala ni Senador Raffy Tulfo ang talamak na pagbebenta ng mga pekeng Persons with Disabilities (PWD) ID sa mga online platform, na umano’y ginagamit upang makakuha ng mga diskuwentong hindi naman nararapat na matanggap.
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ibinahagi ni Tulfo ang datos mula sa Department of Justice (DOJ) na tinatayang walong milyong PWD ID ang nasa sirkulasyon sa bansa, ngunit dalawang milyon lamang umano ang lehitimo at rehistrado sa National Council on Disability Affairs (NCDA).
Ayon sa senador, umaabot sa ₱166 bilyon ang nalulugi sa mga negosyo dahil sa pang-aabuso sa mga diskuwento para sa PWD, partikular na sa mga restaurant.
Dahil dito, nananawagan si Tulfo na repasuhin ang mga kinakailangan sa pag-isyu ng PWD ID at linawin ang mga pamantayan kung sino ang kuwalipikadong makatanggap nito.
Iminungkahi rin niyang pag-isahin ang sistema ng beripikasyon ng mga ID dahil mahigit 2,500 lokal na pamahalaan ang nag-iisyu ng mga ito, na nagreresulta sa magkakaibang disenyo, format, at database.
Binigyang-diin ni Tulfo na ang pang-aabuso sa sistema ay nakapipinsala sa mga lehitimong person with disabilities at sa maliliit na negosyong sumasagot sa gastos ng mga diskuwento. | ulat ni Nimfa Asuncion