Umabot sa 200 pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad, kabilang ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, ang nabigyan ng bagong pabahay ng National Housing Authority (NHA) Region V katuwang ang lokal na pamahalaan ng Malilipot sa isinagawang Turnover and Acceptance Ceremony sa Malilipot Resettlement Project Phase 1 sa Brgy. Binitayan, Malilipot Albay kasabay ng nationwide activity na Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat, kung saan personal na tinanggap ng mga benepisyaryo ang susi sa kanilang housing units.
Ayon kay NHA Region V Acting Regional Manager and Officer-in-Charge Engr. Rolando Ramos, nasa 40 square meters ang bawat lote at may dalawang kuwarto, tiles, kisame at pintura. Kumpleto rin ang proyekto sa konkretong kalsada, underground drainage, water system at electrical distribution system, gayundin ang health center, livelihood center at Materials Recovery Facility.
Bilang calamity project, libre para sa mga benepisyaryo ang mga housing units. Samantala, recoverable ang cost ng lupa at land development. Sakop din ng usufruct agreement ang paninirahan ng mga benepisyaryo sa housing units, kung saan makalipas pa ang limang taon magsisimula ang pagbabayad para sa recoverable cost, alinsunod sa itinakdang kondisyon ng programa.
Nasa 99% na ang completion ng Phase 1, habang nakatakdang tapusin bago matapos ang taon ang Phase 2 na may 413 housing units.
Sinabi ng NHA Bicol na sila rin ang tutulong sa proseso ng individual titling, habang pansamantalang sasagutin ng LGU Malilipot ang suplay ng tubig at kuryente sa lugar.