Aabot sa ₱20M tulong at kagamitang medikal ang ipinagkaloob ng Department of Health para sa pagpapalakas ng mga lokal na healthcare facilities sa Davao de Oro.
Ibinigay ang naturang pondo sa isinagawang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” caravan noong Setyembre 14 sa MegaTent sa loob ng Provincial Capitol Complex.
Ayon sa DOH, bahagi ito ng kanilang Health Facilities Enhancement Program na layong pataasin ang kapasidad ng mga lokal na pagamutan at mapabuti ang serbisyong medikal para sa mga mamamayan ng probinsya.
Sa kabuuang halaga, tig-₱5M ang inilaan para sa Super Health Center ng bayan ng Monkayo at Rural Health Unit ng Compostela, habang ₱10M naman ang tinanggap ng bayan ng Maco para sa kanilang Super Health Center.
Dahil dito, nagpaabot ng pasasalamat si Davao de Oro Governor Raul Mabanglo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa patuloy na pagbuhos ng tulong at mga programa sa kanilang lalawigan.
Bukod sa tulong ng DOH, umabot sa mahigit 100 milyong pisong halaga ng mga programa, proyekto, at ayuda para sa edukasyon, agrikultura, at social services mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pormal ding nai-turn over sa mga benepisyaryo sa lalawigan.