Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na magtatagal pa ang epekto ng patuloy na tensyon sa Middle East sa presyo ng langis sa international market.
Sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin, na dahil lumalawak ang lugar na apektado ng tensyon sa Middle East, posibleng manatiling mataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa mas mahabang panahon.
Batay sa datos umabot sa average na US$99.41 kada bariles ang benchmark price ng Dubai crude oil mula August 13 hanggang Septeber 11.
Ipinaliwanag ng kalihim na sa ilalim ng Republic Act No. 12316, kapag umabot sa US$80 kada bariles ang presyo ng krudo sa loob ng isang buwan, susuriin na ng pamahalaan kung anong intervention ang maaaring ipatupad.
Dahil dito, pinag-aaralan ng economic managers o Development Budget Coordination Committee o DBCC,
ang mga posibleng hakbang para maibsan ang epekto nito sa mga motorista at iba pang konsyumer.
Kabilang sa maaaring pag-aralan ang pagbabawas o pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo, depende sa magiging galaw ng presyo ng crude oil.
Samantala, tiniyak ng DOE na sapat ang suplay ng petroleum products sa bansa, dahil nananatiling mataas ang imbentaryo kumpara sa minimum requirement na 15 hanggang 30 araw na suplay.