Kinuwestyon ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang panukalang P5 bilyong pondo ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa panibagong cycle ng Community-Based Monitoring System (CBMS).
Sa interpelasyon sa budget ng Department of Development and Planning at mga attached agencies nito, tinanong ni Abalos kung saan gagamitin ang naturang pondo.
Ayon kay Appropriations Committee Vice Chair Bella Vanessa Suansing, target ng PSA na matapos pagsapit ng Setyembre 2027 ang second cycle ng CBMS.
Paliwanag ni Suansing, hindi lubusang nakuhanan ng kasalukuyang CBMS ang epekto ng mga krisis at iba pang shocks noong 2025 at ngayong 2026 kaya kailangan ang panibagong datos upang maging mas angkop ang mga social protection program at polisiya ng pamahalaan.
Gayunman, nanghihinayang si Abalos dahil unang quarter pa lamang ng 2026 nang ma-turn over sa mga LGU ang pinakabagong CBMS data, kaya posibleng mahigit isang taon lamang itong magamit bago muling mangolekta ng datos.
Binigyang-diin ni Abalos na mahalaga ang CBMS dahil nagsisilbi itong batayan sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng social protection programs ng pamahalaan.