Binigyang-diin ng ilang senador ang kahalagahan ng Comprehensive School Safety Act sa pagprotekta sa mga mag-aaral laban sa karahasan, bullying at iba pang banta sa kanilang kaligtasan.
Sa kanilang mga pahayag matapos maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2426, sinabi nina Senate President Sherwin Gatchalian, Senador Kiko Pangilinan at Senador Robin Padilla na dapat maging ligtas at mapayapa ang mga paaralan para sa mga batang nag-aaral.
Ayon kay Gatchalian, hindi dapat maging kapalit ng pagnanais ng mga bata na makapag-aral ang karahasan dahil ang paaralan ay dapat na lugar para sa pagkatuto at paghubog ng kanilang kinabukasan.
Binigyang-diin naman ni Pangilinan na ang school safety ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng gate, guwardiya, CCTV o metal detector.
Mahalaga rin aniya ang pagtiyak na makapag-aaral ang isang bata, makakahingi ng tulong at makakapagsumbong ng panganib nang walang takot sa pangungutya, kahihiyan o paghihiganti.
Samantala, sinabi ni Padilla na tungkulin ng estado na tiyaking ligtas ang mga batang ipinagkakatiwala ng kanila ng mga magulang sa paaralan.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ang Department of Education (DepEd) at iba pang concerned agencies ng National School Safety Framework habang inaatasan ang mga paaralan na magkaroon ng sariling School Safety Plans na ia-update kada tatlong taon.
Kasama rin sa panukala ang mga hakbang para protektahan ang pisikal, emosyonal, psychosocial at digital na kapakanan ng mga mag-aaral.