Tiniyak ng Commission on Elections na magagamit pa rin ang lahat ng election materials na nabili na ng komisyon, matuloy man o hindi ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakdang idaos sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, walang masasayang na pondo ng taumbayan sakaling lagdaan o i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na nagpapaliban sa BSKE sa 2028.
Paliwanag ni Garcia, halimbawa, ang mga balotang may nakalagay nang petsa para sa orihinal na schedule ng BSKE ay maaari pa ring gamitin sa bagong petsa ng halalan sa pamamagitan ng isang en banc resolution ng COMELEC.
Nakikipagnegosasyon ang COMELEC sa mga provider ng iba pang election paraphernalia na maaaring maapektuhan ang kalidad kung ipagpapaliban ang halalan.
Maaari naman aniya iimbak muna ang mga ito sa warehouse ng provider upang hindi masira, gaya ng indelible ink. ₱19 bilyon ang kabuuang budget ng COMELEC para sa BSKE, kung saan nasa ₱8 bilyon na ang nagastos ng komisyon.