Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na ang naging boto niya pabor sa appeal sa July 6 ruling ng Senate Impeachment Court ay nakabatay sa prinsipyo at hindi sa sinumang senador o sa respondent sa impeachment case.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na bahagi ng kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court ang pagpapasya kung paano isasagawa ang paglilitis, kabilang ang paglalapat ng mga patakaran kapag may mga miyembrong hindi makalahok.
Ayon sa Senate President, malaki rin ang naging ambag sa kanyang desisyon ng mga paliwanag ng mga amici curiae, na tumulong sa korte na suriin hindi lang ang teksto ng Konstitusyon kundi maging ang layunin nito at ang pangangailangan para sa patas na proseso.
Binigyang-diin ni Gatchalian na nanatili ang constitutional requirement na two-thirds vote.
Ang pinagdesisyunan lang aniya ay kung sinu-sino ang dapat isama sa voting base kapag may mga senador na hindi makalahok.
Nilinaw din ng Senate President na hindi nito tinutukoy ang magiging resulta ng impeachment trial at ang pagbabago ay parehong ipatutupad sa boto para sa conviction at acquittal.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang katarungan ay hindi lang nasusukat sa hatol, kundi maging sa pagiging patas ng prosesong humahantong dito.
Samantala, nilinaw ni Senator-Judge Erwin Tulfo na ang naging ruling ng Impeachment Court nitong Miyerkules ay hindi pagpapababa ng voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Tulfo na nananatili ang two-thirds vote ng lahat ng miyembro ng Senado ang kailangan para sa conviction. Ang nabago lang aniya ay hindi na napako sa 24 senators ang ibig sabihin ng “all members of the Senate” dahil nagtakda ang Impeachment Court ng mga kondisyon para sa mga hindi maaaring makasama sa botohan.