Sa botong 13 na senator-judge ang pumabor at 1 ang tutol, nagdesisyon ang Senate Impeachment Court na amyendahan ang pagtukoy ng baseline o basehan ng two-thirds vote para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Dahil sa bagong ruling, hindi na napapako sa 16 ang kailangang boto para ma-convict si VP Sara sa impeachment trial.
Anim na senador naman ang hindi sumali sa botohan. Ito ay sina Senator-Judges Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Imee Marcos, Bong Go, Robin Padilla at Camille Villar.
Sa bagong ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero, ang tutukuyin sa “all members of the Senate” na pagbabasehan sa two-thirds vote ay ang mga senador na legal at pisikal na may kakayahang lumahok sa oras ng botohan.
Hindi isasama sa denominator ang mga senador na:
- Nakakulong, suspended, o legally restrained sa kanilang tungkulin bilang senador;
- Hinahanap ng mga awtoridad at hindi alam ang kinaroroonan;
- May physical o medical incapacity;
- Nasa labas ng coercive processes/power ng Senado; at
- May iba pang kahalintulad na sitwasyon.
Sa tanong kung paanong bibilangin ang two-thirds vote, pinaliwanag na ang mga natitirang kuwalipikadong senador ang magiging denominator o kabuuang bilang na pagbabasehan ng two-thirds.
Sinabi ni Escudero na kung may decimal o fraction sa resulta ng pagkuwenta ng two-thirds, iri-round up ito sa susunod na buong numero.
Halimbawa, kung 20 ang denominator, ang two-thirds ay 13.33. Dahil walang fraction ng isang senador, iaakyat ito sa 14 boto para matiyak na tunay na nakakamit ang hindi bababa sa two-thirds.
Nilinaw naman ni Escudero na ang ruling na ito ay pro hac vice o para lang sa kasalukuyang impeachment case.
Hindi aniya ito awtomatikong magiging binding precedent sa mga susunod na impeachment proceedings. Dagdag pa ng Presiding Officer, kailangang may competent at sapat na ebidensya bago matukoy ng impeachment court kung kabilang ang isang senador sa mga maaaring hindi isama sa denominator.