Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naging emosyonal ang oral arguments sa two-thirds voting threshold para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos banggitin ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang status at mga kasong kinakaharap ng ilang absent at detained senators.
Sa kanyang pahayag para sa pagbabago ng voting threshold, iginiit ni Tulfo na dapat isaalang-alang ang mga bagong factual circumstances sa impeachment trial, partikular ang sitwasyon ng mga senador na hindi pisikal o legal na makalahok sa proceedings.
Aniya, maaaring hindi naisip ng framers ng 1987 Constitution ang ganitong sitwasyon dahil iba aniya ang mga kasong karaniwang kinakaharap ng mga senador noong panahong binubuo ang Konstitusyon.
Emosyonal namang tumugon si Senator-Judge Camille Villar, na ipinagtanggol ang kanyang mga kasamahang senador na hindi nakadadalo sa paglilitis.
Ayon kay Villar, hindi kagustuhan ng ilang mga kasamahan nilang senador ang kanilang pagkakadetine o kawalan ng kakayahang makilahok sa proceedings.
Iginiit din niya na hindi dapat tawaging plunderer o magnanakaw ang mga absent senators dahil wala pa sa kanila ang napatutunayang guilty.
Hiniling ni Senator-Judge Camille sa kanyang mga kasamahan na iwasan ang personal na pag-atake at panatilihin ang respeto sa isa’t isa.
Nilinaw naman ni Senator-Judge Erwin na hindi niya sinabi na nahatulan na ang mga detained senators.
Aniya, tinutukoy lang niya ang kasalukuyang sitwasyon na may mga senador na pisikal o legal na hindi makalahok sa impeachment trial. Binigyang-diin ni Tulfo na kailangang talakayin ang kanilang sitwasyon dahil direktang may kaugnayan ito sa pagtukoy sa denominator o bilang na pagbabatayan ng two-thirds voting requirement.