Bukas ang Commission on Higher Education o CHED sa pagkakaroon ng polisiya na magpapahintulot sa paggamit ng lived names ng mga estudyante sa mga seremonya ng pagtatapos.
Ito ang inihayag ni Appropriations Vice Chair at CHED budget sponsor Monique Lagdameo kasunod ng panawagan ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na kilalanin ang lived names ng transgender, non-binary at queer students.
Binigyang-diin ni Cendaña na ang pagkilala sa lived name sa isang mahalagang yugto gaya ng pagtatapos sa kolehiyo ay makatutulong upang maramdaman ng LGBTQIA+ students na sila ay kinikilala at kabilang sa kanilang pamantasan.
Aniya, may ilang higher education institutions na gaya ng UP, PLM, PNU, De La Salle University at Ateneo de Manila University na mayroon nang katulad na polisiya.
Sabi naman ni Lagdameo, wala silang nakikitang legal na hadlang sa pagkilala sa lived names sa mga graduation ceremony. Gayunman, paglilinaw niya na sa mga opisyal na rekord ng mga estudyante, kinakailangan pa ring gamitin ang pangalan na nakasaad sa kanilang birth certificate at iba pang official government records.